Tuesday, June 29, 2010

HUWAD NA KALAYAAN

Noong Hulyo 4, 1946, ibinigay ng imperyalismong US ang huwad na kalayaan sa Pilipinas. Ginawa ito sa pangambang sumiklab ang isang digmang mapagpalaya sa Pilipinas. Mabilis noong sumusulong ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya at ang mga bayang sosyalista sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Samantalang kunwa’y ibinigay ang kalayaan, tiniyak ng imperyalismong US na magpapatuloy ang kontrol nito sa Pilipinas. Nagdikta ito ng mga kasunduan na nagbigay sa kanya ng mga karapatan para patuloy na magpanatili ng mga base militar at tropa sa bayan, mag-ari at magpalawak ng mga negosyo dito at patuloy na makialam sa papet na gubyerno at armadong pwersa nito.
Sa pagkakatatag ng papet na republika, naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Sa saligan, nagpapatuloy hanggang ngayon ang sistemang ito ng lipunan. Nananatili sa ilalim ng matinding pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo ang malawak na masa ng sambayanan— ang mga manggagawa, magsasaka, petiburgesya, at pambansang burgesya.

No comments:

Post a Comment